Higit 600 pasahero, mga truck stranded sa Matnog Port

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2020 12:47 PM

Papasok ang isang truck sa Matnog Port, Sorsogon. Philippine Ports Authority TMO-Matnog

Higit 600 indibiduwal na papunta sanang Mindanao ang stranded sa Matnog Port sa Sorsogon matapos kanselahin ang mga biyahe dahil sa bagyong Quinta.

Bandang alas-5 ng hapon noong Sabado nang kanselahin ng Philippine Coast Guard ang mga biyahe mula sa pantalan dahil sa sama ng panahon, dahilan para ma-stranded umano ang 291 truck at 20 sasakyang may 622 pasahero.

Pinalabas muna ng port ang lahat ng stranded na sasakyan dahil hindi ligtas sa pantalan, sabi ni Achilles Galindes, acting division manager ng Philippine Ports Authority-TMO Matnog.

Pila ng mga truck na stranded sa labas ng Matnog Port. Philippine Ports Authority TMO-Matnog

Sa kani-kanilang mga sasakyan daw muna mananatili ang mga stranded na pasahero habang wala pang nabibigay na evacuation area ang lokal na pamahalaan.

Marami sa mga stranded na truck ay kararating lang sa pantalan matapos ma-stranded sa Quezon province nitong mga nagdaang araw dahil naman sa mga bahang dulot ng bagyong Ofel.

Papapasukin sa port ang mga na-stranded kapag naibalik na umano sa normal ang mga biyahe.

-- Ulat ni Karren Canon

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.