Mga taga-Oriental Mindoro puspusan ang paghahanda para sa bagyong Quinta

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2020 01:04 PM | Updated as of Oct 25 2020 07:07 PM

Naghahanda na ang mga residente ng Calapan City, Oriental Mindoro para sa bagyong Quinta. Dennis Datu, ABS-CBN News

Puspusan ang paghahanda ngayong Linggo ng mga awtoridad at residente ng Oriental Mindoro para sa paparating na bagyong Quinta, na inaasahang magdadala ng malalakas na pag-ulan.

Sa Calapan City, kada 3 oras pinatutunog ng lokal na pamahalaan ang alarma para bigyang babala ang mga residente, lalo't nagsimula nang magsungit ang panahon.

Nag-ikot na sa 16 na tabing-dagat na barangay ang mga local disaster official para paalalahanan ang mga residente na maghanda sa paglikas dahil malakas ang bagyong paparating.

Sinimulan na ring dalhin ng mga mangingisda sa ligtas na lugar malayo sa dagat ang kanilang mga bangka.

"Mahirap ang maisahan diyan sa laot. Maliit po 'yong bangka namin," sabi ng mangingisdang si Conrado Marasigan.

Watch more in iWantTFC

Pinatibay na rin ng mga residente ang bubong ng kanilang mga bahay, na nilagyan ng lambat at tinalian. Ang iba naman ay gumamit ng dahon ng niyog bilang depensa sa malakas na hangin.

Binabantayan na rin ng mga awtoridad ang mga malalaking ilog tulad ng Bucayao, Longos, at Panggalaan, na posible umanong umapaw.

Watch more in iWantTFC

Naka-red alert na ang Calapan City at nakahanda na ang mga paaralang gagamitin bilang evacuation center.

Pero dahil sa banta ng coronavirus disease, na nagbabawal sa malaking pagtitipon ng mga tao, isang pamilya o 6 na tao lang ang papayagan sa bawat kuwarto ng mga evacuation center.

"Dati iisang kuwarto kasya ang 20 o puwede tabi-tabi," ani Choy Aboboto, tagapamuno ng disaster office ng Calapan City.

Samantala, sa Calapan Port, stranded ang higit 100 sasakyan at halos 300 driver at pahinante matapos suspendehin ang biyahe ng mga barko patungo Batangas.

Sa pagtataya ng mga lokal na opisyal, posibleng ngayong gabi ng Linggo o hanggang umaga ng Lunes hahagupitin ng Quinta ang lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.