DepEd, iimbestigahan ang pagliyab ng costume ng estudyante sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2019 11:51 PM

Sugatan ang isang Grade 7 na estudyante sa Davao City matapos lumiyab ang kaniyang sinusuot na costume sa kanilang intramurals nitong Biyernes, Oktubre 25, 2019. Handout

DAVAO CITY - Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) sa Davao Region sa nangyari sa isang estudyanteng babae na nalapnos ang katawan dahil nasunog ang suot niyang costume sa paaralan.

Biyernes ng hapon nang masunog ang costume ng biktima habang pinipinturahan ng spray paint ito. Nagkataon na may nakasinding kandila sa tapat ng estudyante, kaya nilamon ng apoy ang pintura at sumiklab ang damit ng biktima.

Ayon kay DepEd XI spokesperson Dodong Atillo, inabisuhan nila ang paaralan na magsagawa ng kanilang sariling imbestigasiyon.

"Kahit na hindi pa natin alam kung ano talaga puno't dulo ng detalye ng lahat na ito, the school must do something for the child. The school should do appropriate action just to make sure na ang bata ay mabigyang pansin at mabigyang tuon 'yong situation," ani Atillo.

Nananawagan naman si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa lahat ng mga guro na 'di na dapat nila pahintulutan ang mga bata na gawin ang aktibidad na sa tingin nila ay delikado.

"We call on our school principals, our educators not to allow activities na sa tingin nila malalagay sa delikado ang safety and security ng mga bata," ani Duterte.

Patuloy pa na ginagamot sa ospital ang biktima na nagtamo ng 2nd degree burn sa katawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.