Higit 700 kilo ng mishandled meat nasamsam sa Pangasinan

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 03:55 PM | Updated as of Oct 24 2019 04:04 PM

SAN CARLOS CITY, Pangasinan — Kumpiskado ng mga awtoridad dito nitong Miyerkoles ang higit 700 kilo ng mishandled meat mula umano sa Tarlac, kasabay ng paghihigpit ng lalawigan kontra African swine fever (ASF).

Ayon sa ulat, nakalagay sa mga karton at tinangkang ibenta sa traders Miyerkoles ng gabi ang mga bagong katay na karneng baboy, manok, at laman-loob.

"Nakalagay lang siya sa kahon kahit dapat may freezer... Na-violate din nila 'yung executive order na total ban ng frozen meat products at fresh pigs mula sa ibang lugar," ani Police Lt. Col. Garie Pascua, hepe ng San Carlos City police.

Agad itinapon at sinunog ang mga karne na nasabat ng mga pulis sa Barangay Coliling.

Ayon naman sa Samahang Industriya ng mga Magsasaka (SINAG), dapat na ding tutukan ang processed meat products at hindi lang ang mga katay na karne.

Ito'y matapos magpositibo sa ASF ang ilang brand ng hotdog, longganisa, at tocino na sinuri ng Bureau of Animal Industry na pinaniniwalaang imported. 

"Dapat ipatupad muna nila 'yung quarantine para ma-check talaga... Ang ASF virus puwedeng mabuhay nang 1,000 days maski sa mga frozen meat products. Pero hindi nakakaapekto sa mga tao," ani Rosendo So, chairman ng SINAG.

Sa ngayon, nasa P180 hanggang P190 ang kada kilo ng karne ng baboy sa Pangasinan.—Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.