Dalagita, kasambahay nakuryente sa CamSur

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 12:32 AM

CAMARINES SUR—Nakuryente ang isang dalagita at kanilang kasambahay sa bayan ng Pasacao nitong Martes.

Wala nang buhay nang matagpuan sina Alzandra Azada, 14, at kasambahay na kinilalang si Janet.

Base sa imbestigasyon, natagpuan ang 2 biktima sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Kuwento ng tiyahin ng dalagita, galing sa paglalaba ng mga sapatos ang mga biktima bago nangyari ang insidente.

"Parang ang nauna [na kuryente] si Janet. Parang tinulungan niya [Azada] si Janet . . . Siguro hinila niya. Nadamay siya," ani Judith Bihag.

Ayon sa Pasacao police, isinaksak ni Janet ang lampshade kaya nakuryente.

Paalala ng mga awtoridad, huwag hawakan ang mga taong nakuryente.

"Pinaka the best ay patayin natin 'yong main switch breaker para hindi na tayo makuryente," ani Fire Chief Insp. Emmanuel Ricafort ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Puwedeng gumamit ng non-conductive materials gaya ng kahoy, plastik at cardboard para ilayo ang taong nakuryente. — Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.