2 pulis-Pasay huli sa pangingikil sa mga terminal; commander iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 03:57 PM | Updated as of Oct 24 2019 04:09 PM

Arestado ang dalawang pulis sa Pasay City sa pangingikil umano sa mga bus at van sa mga terminal sa siyudad. 

Kinilala ang mga suspek na sina Police Cpl. Reynald Macwes at Police Cpl. Jimuel Bernal, na naaresto sa entrapment operation ng Philippine National Police - Integrity Monitoring and Enforcement Group sa Grand Transport Terminal sa Malibay, Pasay. 

Nakatalaga ang mga naaresto sa Police Community Precinct 7. 

Nag-ugat ang operasyon sa reklamo na nangongolekta umano ng P100 sa mga public utility bus at van araw-araw sa mga terminal ang mga suspek. 

Nagpasaklolo raw ang mga biktima sa PCP commander na si Police Captain Mark Oyad subalit sa halip na tulungan ay nagbanta pa ito na tataasan nila nang P1,000 ang koleksyon.

Kapag hindi raw sila tumigil ay sasampahan siya ng kasong illegal drugs, banta umano ng commander.

Mahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang 2 pulis, habang iimbestigahan din ang paratang laban sa commander.-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.