'Peryahan ng Bayan' outlet, isinara sa Muntinlupa; 14 tauhan timbog

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2020 05:41 AM | Updated as of Oct 23 2020 06:20 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Isinara ng business permits and licensing office (BPLO) ng Muntinlupa City ang isang outlet ng Peryahan ng Bayan sa Bgy. Tunasan dahil sa ilegal na operasyon nitong Miyerkoles. 

Ayon sa public information office ng lungsod, nahuling lumalabag sa mga health protocols ang naturang pasugalan kaya pinuntahan ito ng BPLO kasama ng barangay at ng Public Order and Safety Office. 

Napag-alamang patuloy ang operasyon ng outlet kahit walang mga kaukulang permit. 

Sa ulat ng Southern Police District, hinuli ang 14 cabo, checker, at cashier ng outlet na naabutang nagreremit ng mga perang pantaya at mga lastillas o listahan ng taya. 

Sa kabuuan, 11 lalaki at 3 babae ang inaresto. 

Kinumpiska rin ang mga lastillas at ang pantayang umabot ng mahigit P9,000. 

Ayon sa SPD, walang ipinakitang local business permit ang mga nagtatrabaho sa outlet. 

Dagdag ng Muntinlupa City PIO, wala ring permit ang establishimento mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) o ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). 

Nananatiling suspendido pa rin ang operasyon ng Peryahan ng Bayan o kilala rin na Peryahan Games matapos ipatigil ng PCSO nitong Pebrero. 

Sa isang abiso noong Agosto, sinabi ng ahensya na ilegal pa rin ang Peryahan ng Bayan hangga't hindi inaalis ng Office of the President. 

Hinikayat din nila ang publiko na i-report sa mga awtoridad kung may nalalaman silang patuloy na operasyon nito. 

Dati na ring sinuspinde ng PCSO ang Peryahan ng Bayan noong 2016 dahil sa hindi pag-remit ng P100 milyon ng kompanyang GlobalTech na nagpapatakbo nito. 

Ang korupsyon umano sa operasyon ng Peryahan ng Bayan ang isa rin sa tinukoy ni Pang. Rodrigo Duterte na dahilan ng pansamantalang pagpapatigil sa mga palaro ng PCSO noong 2019. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.