Lalaking nagpakalat ng pribadong larawan ng dating nobya, tiklo sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 02:20 AM

BATANGAS CITY—Arestado ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) matapos umano niyang ipakalat ang maseselang larawan ng kaniyang dating nobya.

Inaresto ng mga tauhan ng Regional Anti-Cybercrime Unit-Calabarzon ang 45 anyos na suspek sa Batangas City Grand Terminal nitong Martes.

Kuwento ng biktimang si alyas Elaine, nagawa niyang magpadala sa suspek ng mga pribadong larawan para matigil na ito sa pagduda na may karelasyon siyang iba.

Sa halip, ginamit ito ng suspek para i-blackmail siya dahil sa selos.

"No'ng 15 nag-away kami. Talagang blinock ko siya. Do'n nga po siya nakapag-send sa mga friend ko," aniya.

Nakilala niya ang suspek sa Facebook at umabot sa 4 na buwan ang kanilang relasyon. May 3 anak na babae ang suspek habang si Elaine ay may 3 anak na lalaki rin.

"Nahihiya po ako sa mga anak ko . . . Matindi pong bigay na aral sa akin ito," aniya.

Depensa ng suspek, aksidente lang niyang naipadala ang mga larawan sa mga kaanak at kaibigan ni Elaine.

Umamin din ito sa huli at nagmakaawa na huwag siyang ipakulong.

Mahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso, kabilang ang paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.

Ayon sa Regional Anti-Cybercrime Unit-Calabarzon, ang pagpapakalat ng mga pribadong larawan ang madalas na natatanggap nilang reklamo sa rehiyon. — Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.