DENR nagbigay ng environmental clearance para sa pagtatayo ng Kaliwa Dam

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 06:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May "go signal" na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa pagpapatayo ng kontrobersiyal na Kaliwa Dam sa Infanta, Quezon.

Sa kabila ng pagtutol ng mga katutubo at ng pamahalaang lokal, binigyan na ng DENR ng environmental compliance certificate (ECC) ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System para ituloy ang pagtatayo ng dam.

Bukod sa priority project ng pangulo, kailangan ang dam para mapunan ang pangangailangan ng tubig sa Metro Manila, ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda.

"'Yan po ang pinakamalaking factor, 'yang water crisis natin," aniya.

"And yet, kung titingnan natin sa iilan pong nagrereklamo, ilan naman po ang makikinabang sakaling matuloy ito," dagdag niya.

Ayon kay Antiporda, malinaw naman sa probisyon ng ECC na kailangan munang kuhanin ng MWSS ang permiso ng mga katutubo at pamahalaang lokal, gaya ng tinatakda ng batas.
    
"It doesn't mean na tuloy-tuloy na kaagad 'yong project nila dahil may probisyon dito na nakalagay 'yong however you may proceed with the project implementation only after securing necessary permits from other pertinent government agencies," ani Antiporda.

Kinuwestiyon naman ni Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares ang aksiyon ng DENR.

"Highly irregular 'yong pagbigay ng ECC kasi sa aking pagtingin, hindi nagawa ang lahat ng requirements," ani Colmenares.

"May financial gains ba dito ang public officials natin? Palagi ko tinatanong 'yan eh, 'Mayroon ba kayong komisyon?'" aniya.

Ayon kay Colmenares, hindi puwedeng idahilan ng gobyerno ang krisis sa tubig para sa pagtatayo ng dam.

"Dito muna kayo sa Wawa Dam lalo na't hindi naman ganoon kalaki ang mga isyu sa pag-rehabilitate ng Wawa Dam," ani Colmenares.

Para naman sa mga taga-Infanta, Quezon, nananatili ang kanilang posisyon na hindi magbigay ng permiso para itayo ang Kaliwa Dam.

Itatayo kasi ito sa lugar na mayroong fault.

May tatamaan ding lugar na pag-aari ng mga katutubo at may mga lugar ding maaaring lumubog sa oras na itayo ang dam.

"Maaaring under pressure ang mga taga-DENR para 'yan (ECC) ay na-issue," ani dating Infanta vice mayor Noli Villamor.

Pero ayon sa DENR, patuloy pa rin ang dayalogo ng gobyerno at mga katutubo at residenteng maapektuhan ng pagtatayo ng dam.-- Ulat ni Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.