Seaman na na-trauma sa China tatanggap ng P30K livelihood assistance

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2020 10:20 AM

MAYNILA - Tiniyak ng Department of Labor and Employment na mabibigyan nito ng livelihood assistance ang nakauwing seafarer na matagal natengga sa China.

“Pumunta ka sa pinakamalapit na OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) office d'yan sa inyo. Sabihin mo nakausap mo ako at binibigyan kita ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng P30,000 para makapag-negosyo ka,” pahayag ni DOLE Secretary Silvestre Bello III.

Tugon ito ni Bello sa hiling na tulong ng seafarer na si Gabriel Mutia.

“Sana po matulungan ako sa trabaho kasi po natrauma ako nung nag-barko ako,” sabi Mutia sa panayam sa TeleRadyo, Huwebes.

Kuwento ni Mutia, na-trauma siya habang nasa barko dahil matagal silang natengga sa gitna ng dagat dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.

“Hindi rin makontak 'yung pamilya kasi wala pong signal,” sabi ni Mutia.

Watch more in iWantTFC

Isa si Mutia sa mga Pilipinong na-stranded sa Dongshang sa Fujian province.

Wala na umanong balak si Mutia na sumampa muli ng barko at babalik na lamang siya sa dating trabaho bilang barbero.

May 4 na anak si Mutia na itinawid ng kaniyang asawang si Lour Acorin noong mga panahong stranded sila sa China.

“Sana matulungan po kaming makapagsimula muli,” sabi ni Acorin sa parehong panayam.
 
Sa Oktubre 25 pa matatapos ni Mutia ang kaniyang dalawang linggong quarantine sa Dapitan City.