P100-M pondo para sa mga MILF rebel returnees, ipinagkaloob na ng pamahalaan

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 01:10 AM

MAYNILA - Ipagkakaloob na ng pamahalaan ang kabuuang P100 milyong pondo bilang ayuda sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) rebel returnees.

Nilagdaan na ang memorandum of agreement sa pagitan nina Labor Sec. Silvestre Bello at ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process Sec. Carlito Galvez.

Ayon kay Bello, bahagi ito ng Integrated Livelihood Program and Emergency Employment Programs for the Decommissioned MILF combatants, o mas kilala biland TUPAD Fund Assistance.

Sa ilalim ng programa, bibigyan ng tulong panghanapbuhay at panimulang trabaho sa pamamagitan ng TESDA sa loob ng isang buwan ang mga rebel returnees kaakibat ang minimum na sahod.

Paliwanag naman ni Galvez na ang programa ay kabilang sa Bangsamoro normalization na unang ipinangako ng Pangulong Rodrigo Duterte matapos maisulong ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Makikinabang rito ang mga decommissioned combatants mula sa anim na kampo ng MILF sa Maguindanao at Lanao provinces sa Mindanao.