Informal settlers sa Binondo, naglagay ng barikada kontra demolisyon

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 11:42 AM

Naglagay ng barikada ang mga residenteng maaaring mawalan ng tahanan dahil sa nakaambang demolisyon sa Binondo, Maynila. Johnson Manabat, ABS-CBN News

MAYNILA - Naglagay nitong Martes ng barikada ang mga residenteng maaaring mawalan ng tahanan dahil sa nakaambang demolisyon sa Binondo, Maynila.

Nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng demolition team at mga residente nang tangkain nilang gibain ang mga kabahayan sa Barcelona Street nitong Lunes.

Umulan ng mga bote at molotov sa lugar at napaatras ang anti-riot police dahil sa dami ng umaatake sa kanilang pwersa.

Hindi matutuloy ang demolisyon ngayong Martes, ayon kay barangay chairwoman Mary Ann Arboleda ng Bgy. 273 zone 25, base sa kaniyang pakikipag-usap sa mga pulis sa istasyong nakakasakop sa lugar.

Ang lupang kinatitirikan ng mga kabahayan ng mga apektadong pamilya ay sinasabing pagmamay-ari ng isang Dolores Relingo.

Ayon sa pamilya Relingo, mahigit 4 na dekada nang tinitirahan ng mga informal settlers ang kanilang lupain at matagal na itong pinakikinabangan nang libre.

Aminado naman ang mga residente na wala silang pinanghahawakang titulo ng lupa pero dekada na anila silang dito na naninirahan at anila sana ay hindi sila biglang paalisin nang wala pang maayos na malilipatan.

May ilan namang pamilya na nag-ayos na ng kanilang gamit para mas mabilis itong mabibitbit kung mauulit ang tensyon na nangyari noong Lunes.

--Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.