Barangay tanod, patay sa saksak ng mga lasing

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 12:01 AM

Patay ang isang barangay tanod matapos pagsasaksakin ng mga kapitbahay sa isang birthday party sa Barangay Aring sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Joseph Mayubay. Ayon sa anak na si Kimberly Joy, pinagtulungan ng mga kapitbahay niya ang kaniyang ama.

Dalawa umano sa mga suspek ang bumato ng bote sa kaniyang ama, habang ang isa naman ay pinagsasaksak ito habang pinoprotektahan siya ng ama.

Anim na saksak sa katawan ang tinamo ng biktima.

Ayon sa pulisya, dating may alitan ang biktima at tiyuhin ng isa sa mga suspek.

Sumuko na ang apat na suspek sa pulisya. Tumangging magbigay ng pahayag ang mga ito.

Haharap sila sa kasong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.