Barangay certificate kailangan bago magpakatay ng baboy sa slaughterhouse sa Laoag

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 04:58 PM

Kailangang may maipakita munang clearance mula sa barangay bago katayin ang mga baboy sa slaughterhouse sa Laoag City. Larawan mula kay James Lemuel Salvador

Pinaigting ng Laoag City Veterinary Office ang pagbabantay upang matiyak na walang African Swine Fever ang mga baboy na ipapasok para katayin sa kanilang slaughterhouse.

“In case kasi na may sakit 'yun, ma-trace natin at ma-detect (ang) source,” sabi ni City Veterinarian Dr. Arthuro Cabello.

Kinakailangan din may maipresentang certificate kung saang barangay ng Laoag o bayan galing ang mga baboy.

Sinang-ayunan naman ito ng mga negosyante na bumibili ng baboy.

Isa rin itong paraan para makasiguro na walang mga baboy na galing sa ibang probinsya na may kaso ng ASF. Ito'y matapos maitala ang ilang kaso sa ibat' ibang bahagi ng Luzon. 

Nagi-ingat pa rin maging ang mga hog raiser. May mga kaunti lamang ang inaalagaan munang mga baboy dahil sa banta ng ASF.

Ang hog raiser na si Evangeline Sison ay doble ang pag-iingat. Hindi muna siya nagpapapasok ng maraming tao sa kaniyang maliit na babuyan.

Tinitiyak rin niya na kumpleto ang bakuna ng mga alagang baboy at kumakain ng tama ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.