23 na ibinubugaw umano sa mga dayuhan nasagip sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 04:12 AM | Updated as of Oct 22 2019 06:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Nasagip sa Pasay City Lunes ng gabi ang nasa 23 babae at lalaki na ibinubugaw umano sa mga dayuhan.

Sinalakay ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ang isang condominium nang magsumbong ang isang babae sa Cainta, Rizal.

"Nakalabas daw siya sa isang kasa na ayon sa kaniyang salaysay, ibinebenta sila sa mga exclusive foreigners na mga customer dito," ani Police Lt. Col. Samuel Mina ng PNP-WCPC Luzon Field Unit.

Nang pasukin ang condominium unit, 17 babae at 6 na lalaki ang inabutan sa loob. Ilan sa kanila ay menor de edad pa.

Narekober ang ilang damit na ginagamit umano ng mga biktima kapag may booking.

Lumalabas sa imbestigasyon na sa naturang lugar ibinabahay ang mga biktima at saka ilalabas ng customer kapag nakakuha ng booking.

Arestado ang itinuturong bugaw na tumanggi nang magbigay ng pahayag. Kakasuhan siya ng human trafficking.

Nanawagan naman ang WCPC sa mga may-ari ng condominium na maging mapanuri sa mga tenant.

Nasa pangangalaga muna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga biktima.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.