Malaking bahagi ng Lopez, Quezon binaha dahil sa 'Pepito'

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2020 01:04 PM

Binaha ang ilang kalsada sa Lopez, Quezon dahil sa ulang dala ng Tropical Storm Pepito. Photo courtesy: Donald Doria.

MAYNILA - Lumubog sa baha ang malaking bahagi ng Lopez sa Quezon matapos umapaw ang ilog sa walang humpay na pag-ulang dala ng Tropical Storm Pepito.

Mula tuhod hanggang baywang ang lalim ng baha sa ibang lugar dahil sa pag-apaw ng Talolong river, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan.

Watch more in iWantTFC

Aabot sa 7 barangay ang nalubog sa baha lalo na ang mga nasa low lying areas, anila. 

Malakas at tuloy-tuloy ang pag-ulan simula pa Lunes ng gabi kaya nagsimulang bumaha madaling-araw ng Martes. 

Ayon kay Quezon Gov. Danilo Suarez, hirap madaanan ng maliliit na sasakyan ang highway sa Poblacion patungong Bicol.

Nakastandby na ang mga awtoridad kung sakaling kakailanganin nang maglikas.

Tiniyak naman ni Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Melchor Abenilla na nakahanda na ang mga awtoridad sakaling kailangang ilikas ang mga residente. 

Inaasahan din nila na tataas pa ang tubig sa Lopez dahil tuloy-tuloy pa rin ang malakas na pag-ulan. 

Binaha rin ang ilang bahagi ng Lopez nang tumama ang Bagyong Ofel sa bansa. 

— May ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.