Christmas party bawal, pangangaroling may age limit sa NCR dahil sa pandemya

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2020 03:18 PM | Updated as of Oct 20 2020 07:27 PM

Bawal ang Christmas party, habang may age limit naman ang pangangaroling sa Metro Manila, ang episentro ng COVID-19 pandemic sa bansa, matapos nilang mapagkasunduang ilagay ang rehiyon sa GCQ hanggang sa katapusan ng taon. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA - Bawal na muna ang Christmas party sa mga opisina maging sa gobyerno o mga pribadong mga kompanya, habang may age limit naman ang pangangaroling sa Metro Manila, ayon sa samahan ng mga alkalde sa rehiyon. 

Sa Teleradyo, sinabi ni Metro Manila Council chair at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na mayroon silang guidelines at magbibigay sila ng panuntunan sa lahat ng mga lokal na pamahalaan sa pagdaraos ng Christmas party. 

Watch more in iWantTFC

Ito ay matapos nilang mapagkasunduang ilagay ang rehiyon - ang itinuring na episentro ng coronavirus - sa GCQ hanggang sa katapusan ng taon. 

"Under GCQ bawal pa ang parties. Ang ating NCR (National Capital Region), nagkasundo 'yung ating mayors na under GCQ muna tayo, magluluwag lang para makasuporta sa ekonomiya pero hindi muna mag-MGCQ (modified GCQ). Konting tiis na lang ito," ani Olivarez. 

Binigyang-diin din ni Olivarez na mahigpit pa ring ipapatupad ang panuntunang hindi dapat lumagpas sa 10 ang puwedeng magsama sa ano mang pagtitipon. 

Sa halip, hinimok nila ang pagkakaroon ng virtual Christmas party. 

Sa ilalim ng GCQ ipinagbabawal ang pagdaraos ng mga party. 

"Kapag nahuli po sila ang mangyayari po niyan ay masu-suspend po sila, itong mga kawaning ito. Ang mangyayari po niyan, 'yun pong kanilang business will be affected kapag di po sila sumunod ng guidelines. Mayroon pong closure na ibibigay ang local government unit ganu'n din ho 'yung mga magho-host ng Christmas party," ani Olivarez. 

Samantala, pumayag naman ang mga alkalde na mangaroling ang mga may edad 18 hanggang 65 anyos. Pero hindi lalagpas sa 10 sa bawat grupo at hanggang alas-12 ng hatinggabi lang puwedeng mangaroling. 

Bawal ding magpatugtog ng malakas na Christmas songs at bawal na ang mag-Karaoke sa barangay. 

"Kung pupunta naman sa mga videoke o karaoke bar, hanggang 10 lang ang papayagan sa loob, at kailangang naka-face shield at face mask habang kumakanta," ani Olivarez. 

Bawal din ang mga gift-giving at salu-salo sa mga homeowners ngayong taon. 

"Kapag nahuli po sila ang mangyayari po niyan ay masu-suspend po sila, itong mga kawaning ito," ani Olivarez. 

Puwede ring matuloy ang mga tiangge at Christmas bazaar pero hihigpitan ang health protocols para sa mga ito. 

Bawal din ang peryahan at mga amusement park sa Metro Manila dahil sa GCQ.  -- May ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.