9 wanted personalities arestado sa Cavite

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 09:32 AM

MAYNILA – Siyam na wanted personalities ang naaresto sa sunod-sunod na anti-criminality operations ng awtoridad mula Oktubre 9 hanggang 19 sa lungsod ng Bacoor.

Ilan sa mga nahuli ay may kasong may kinalaman sa ilegal na droga, pagnanakaw, at kasong pagpatay.

Isa rin sa mga nahuli ay isang matandang lalaki na kinasuhan noong 2015 ng panggagahasa sa kaniyang inaanak.

Ayon sa ama ng bata, 12 anyos lang ang kaniyang anak noon nang magbago ang pakikitungo ng bata sa ibang tao.

Nalaman na lang ng pamilya na nagsumbong ang bata sa kapitbahay na inaalok siya ng pera ng suspek para manood ng mahalay na video habang hinahawakan niya ang maselang bahagi ng matanda.

Isinumbong din ng bata na hinawakan din siya ng kaniyang ninong sa maselang parte ng katawan. 

Pursigido ang pamilya na ituloy ang kaso matapos ang apat na taon lalo’t hindi na nakapag-aral ang bata mula nang mangyari ang umano’y panghahalay.

Ayon kay Supt. Vicente Cabatingan, mahalaga ang pakikipagtulungan ng barangay at komunidad para mahuli ang mga taong may warrant of arrest sa kanilang lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.