Spa sa QC na ginagawa umanong 'cybersex den' nilusob; 2 timbog

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 06:20 PM

MAYNILA — Arestado ang 2 indibidwal habang na-rescue naman ang 4 na babae sa isang spa sa Quezon City na ginagawa umanong cybersex den.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), ilang report na ang natatanggap nila na nagsasagawa ng "online booking" ang Dragon Spa para sa alok na extra service.

Nagsisimula daw sa P700 pataas ang presyo ng bawat extra service.

Sa operasyon, nagpanggap ang isang pulis na kostumer at nag-book online saka nagtungo sa spa.

Nang iabot na niya ang bayad, dito na inaresto ang babaeng kahera at ang isa pang lalaking kostumer.

Batay sa record ng Business Permits ang Licensing Department ng QC, 2009 nang magsimulang mag-operate ang Dragon Spa at 2017 nang huling mag-renew.

Isinara na ng mga awtoridad ang Dragon Spa.
    
Dadalhin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga babaeng na-rescue.

Sasampahan ng kaso ang kahera at kostumer habang inaalam pa kung sino ang may-ari ng spa para makasuhan din.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.