Lalaki timbog matapos magsisigaw, magwala sa loob ng Quiapo church

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 03:49 PM | Updated as of Oct 18 2019 03:50 PM

MAYNILA — Inaresto ng mga pulis ang isang hindi pinangalanang lalaki na nagsisigaw sa kasagsagan ng misa sa Quiapo church nitong Biyernes ng umaga.

Nakapiit ngayon sa Plaza Miranda police community precinct ang naturang lalaki.

Ayon kay Police Maj. Garman Manabat, pumasok ang lalaki sa simbahan at dumiretso malapit sa altar habang nagmimisa bandang 7:30 ng umaga.

Pagdating sa altar ay nagsisigaw at nagwala daw ang lalaki.

Nakaitim ng damit ang lalaki na may print pa ng mukha ni Hesus at mag-isang pumasok sa simbahan.

Blangko pa ang mga awtoridad sa motibo ng lalaki kung bakit ito nag-amok.

Bago nagtungo sa Quiapo church, nanggulo na rin umano ang lalaki sa Quinta Market.

Dati na rin umanong inaresto ang lalaki dahil din sa pag-eksena sa simbahan.

Isasailalim sa medical examination ang lalaki para alamin kung nasa impluwensiya ito ng ilegal na droga.

Posibleng maharap ang lalaki sa kasong alarm and scandal.

—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.