Albayalde dapat managot sa 'pagprotekta' sa ninja cops: Gordon

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 05:59 PM | Updated as of Oct 18 2019 09:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inilabas nitong Biyernes ang rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa isyu ng "ninja cops," at nakitaan daw nito ng paglabag si dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde.

Matapos ang 9 pagdinig ukol sa maanomalyang implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) na napunta sa isyu ng ninja cops o mga tiwaling pulis, lumabas sa report na dapat managot si Albayalde.

Iniuugnay si Albayalde sa kuwestiyonableng drug raid ng kaniyang mga tauhan noon sa Pampanga taong 2013.

Nakialam daw si Albayalde sa dismissal case laban sa 13 pulis niya na kumulimbat at nag-recycle umano sa kilo-kilong droga na nasamsam nila.

"The findings are he is liable to the anti-graft [law] and that will be up to the Ombudsman and the Department of Justice... I think he is liable. Very liable," sabi ni Sen. Richard Gordon, chairman ng komite.

Pero higit sa graft and corruption case na inirerekomenda ng Senado laban sa grupo ni Albayalde, nilabag din umano nila ang section 27 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

"If you ask me as a lawyer and not as blue ribbon chair, it would warrant drug charges against Albayalde," ani Gordon.

Wala pang pahayag ukol dito si Albayalde.

Maaalalang nagbitiw na bilang PNP chief si Albayalde ilang linggo bago ang nakatakda niyang pagreretiro.

Nauna na niyang sinabing pawang mga paninira lang ang akusasyon sa kaniya.

Samantala, tiwala ang DOJ na padadalhan sila ng kopya ng report ng Blue Ribbon Committee para magamit sa kanilang bagong imbestigasyon sa kontrobersiyal na 2013 Pampanga raid.

"This report will surely be useful in the reinvestigation of the alleged drug recycling/ninja cops case currently being conducted by the DOJ," ani Justice Sec. Menardo Guevarra.

—May ulat nina Zhander Cayabyab, Katrina Domingo, at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.