11 babaeng 'inilalako' sa 2 establisimyento sa QC nasagip

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 05:12 PM

MAYNILA — Nasagip ng pulisya nitong Biyernes ang 11 babaeng inilalako umano ng 2 establisimyento sa Quezon City, kung saan ilan pa sa mga ito ay menor de edad.

Nangyari ang operasyon alas-3 ng madaling araw sa 2 bar sa Barangay San Antonio.

"May lumapit sa aming informant na nagsasabing dito sa 2 establisimyento may inilalakong menor de edad for sexual exploitation. Nagpadala ako ng mga tao, na-validate," sabi ni Police Col. Sheila Portento, hepe ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center-Anti Trafficking in Persons Division (PNP-WCPC-ATIPD).

Sabi ni Portento, may VIP section daw ang mga establisimyento sa ika-2 palapag kung saan nagaganap ang ilegal na gawain.

"Meron silang VIP rooms kung saan puwede kang mag-avail ng extra service, doon na gagawin," ayon sa pulis.

"Sa pag-takeout, magbabayad ang customer ng P1,500," dagdag ni Portento.

Inaresto naman ang 3 suspek na sina Rogelio Santiago, Joy Joaquin Tabita, at Joseph Jimenez.

Depensa naman ni Santiago na floor manager ng isa sa mga bar, nagsinungaling daw ang mga biktima ukol sa kanilang edad.

"May mga NBI sila at bio-data, hindi naman sila minors," ani Santiago.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Child Abuse Law.

—Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.