2 batang magkapatid, patay sa sunog sa Pangasinan

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 04:17 PM | Updated as of Oct 16 2019 04:39 PM

Patay ang dalawang magkapatid na bata sa sunog na tumupok din sa kanilang kubo sa Barangay Tukok sa San Fabian, Pangasinan.

Nakilala ang mga biktima na sina Lennon Clinton, 5 taong gulang, at kapatid niyang isang taong gulang.
 
Kuwento ng kanilang ina na si Judilyn Salvatare, Lunes ng gabi nang iwan niya ang mga anak para kausapin ang isa pang anak sa kabilang bahay. Hindi rin umano nabantayan ang mga bata ng kaniyang pinagbilinan.

Nagtamo din ng 2nd degree burn si Judylin sa braso at kamay matapos tangkaing sagipin ang mga anak sa nasusunog nilang kubo.

Gawa sa light materials ang bahay na nasa gitna din ng mga palaisdaan kaya hirap mapasok ng mga bumbero.

“Sa initial natin, kandila na naiwan ang pinagmulan ng sunog,” ayon kay SFO1 Sonny Torralba.

Payo naman ng BFP sa mga magulang na bantayan nang mabuti ang mga bata at wag din mag-iwan ng nakasinding kandila para maiwasan ang ganitong insidente.

Ito na ang ikaanim na kaso ng sunog sa San Fabian ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.