6 dayuhan, 1 Pinoy huli sa paglalaro ng poker sa El Nido

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2019 09:50 PM

Hinuli ng National Bureau of Investigation (NBI) Puerto Princesa District Office ang anim na dayuhan at isang Filipino matapos maaktuhang naglalaro ng poker pasado alas-12 ng madaling araw noong Biyernes sa Barangay Buena Suerte sa bayan ng El Nido, Palawan.

Nagsimula ang operasyon matapos na mai-report sa NBI na may ilegal na pasugalan sa isang resort sa nasabing barangay.

"Nung September 17, 2019, naka-receive tayo ng intelligence report na mayroong mga foreigner naglalaro ng poker game. Particularly doon sa Brgy. Buena Suerte sa El Nido Palawan. So, right after nun nag-conduct tayo ng surveillance operation," ani Atty. Renato Garbo III, Deputy Chief, NBI-PUERDO

Nakumpirma na may nagaganap nga na pasugalan at wala itong sapat na papeles.

"Naging illegal siya kasi unang-una dapat ang ganitong klaseng laro, doon sa mga casino kasi unang-una wala itong permit. In fact, para makapaglaro ka, kailangan mong bumili ng chips. Nakabili tayo ng chips doon sa isang subject natin 'yung Amerikano, kasi lumalabas na isa siya sa mga nag-operate doon sa naturang gambling," dagdag pa ni Garbo.

Kabilang sa mga arestado sina Theodore Amell, isang Amerikano, ang Turkish na sina Adnan Okdemir at Ahmet Ozdenler, si Aurelien Janot na isang Pranses, si Elwyn Fransman na isang South African, si Frank Lee na isang Koreano, at ang Filipino na si Antoninus Malabana.

Nakumpiska sa kanila ang ilang mga playing chips na nasa P100,000 ang kabuuang halaga.

Kabilang ang mag-asawang may-ari ng resort, sinampahan sila ng kasong paglabag sa Presidential Decree 9287. 

Tumanggi nang magsalita ang mga nahuli.

Maaari silang makapagpiyansa ngunit ang kasalukuyan nilang kaso ay posibleng gawing basehan upang ma-deport sila mula sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.