Delivery service rider patay sa pamamaril sa QC

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2020 05:39 AM | Updated as of Oct 02 2020 08:29 PM

MAYNILA - Patay ang isang delivery service rider matapos siya barilin sa Veteran's Village, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Bandang alas 8 ng gabi makarinig ng putok ang ilang residente ng Rose Street.

Napatay ang 38-anyos na si Reo Velarde, na pauwi na sana mula sa isang araw ng pagdedeliver.

Ayon sa kapatid, may dinaanan lang saglit na kaibigan si Velarde sa harap ng Veteran's Village Fundamental Baptist para pahiramin ng pera.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero bago pa dumating ang kaibigan, binaril siya at namatay.

Student pastor umano si Velarde sa naturang Baptist Church. Binata siya, breadwinner ng pamilya at nagpapaaral ng kapatid.

Hinala ng kaanak, holdap ang motibo dahil nawawala ang kanyang cellphone.

Narekober ang pera ng biktima pero nawawala rin umano ang kinita niya ngayong araw. 

Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.