Magsasaka nag-viral nang magyapak sa gov't office para sa pautang

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2019 08:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ugali na ng mga magsasaka at mangingisda sa Paete, Laguna na magtanggal ng sapin sa paa kapag papasok sa agriculture office ng bayan.

Pero mas napansin ng agriculture technician na si Novica Tabaco ang 74 anyos na si Hernando Fortades.

"Parang nahihiya po. Eh hindi naman namin pinaghuhubad," ani Tabaco.

Naantig si Tabaco nang sabihin ni Fortades na thumb mark ang gagamitin niyang pirma sa dokumento dahil hindi siya marunong magsulat at magbasa.

Ika-apat na baitang lang ang inabot ni Fortades.

Noong kabataan niya, ibinuhos niya ang lakas sa pagsasaka.

"Maganda noon kaysa ngayon. Unang-una, mura ang palay," ani Fortades.

Hindi man niya nabigyan ng magandang buhay ang pamilya, hindi raw nagsisisi si Fortades na naging magsasaka siya.

Mahal niya ang pagtatanim pero baka tumigil na rin daw siya.

Umaasa si Fortades na maaprubahan ang utang niya sa bangko.

"Magpapatawag na lang ulit kami ng meeting doon sa mga nag-apply," ani Tabaco.

May mga tumutulong ngayon kay Fortades habang hinihintay ang resulta ng utang sa bangko.

Nag-viral kamakailan ang litrato at kuwento ni Fortades matapos i-post ni Tabaco sa Facebook.

Nagbebenta rin ngayon si Tabaco ng mga damit na may mukha ng magsasaka.

"'Yong proceeds po noon, hundred percent para sa farmers namin," ani Tabaco.

Paraan na raw ito ng pagsusuporta sa mga magsasaka tulad ni Fortades.-- Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.