Di tulad ng swine flu, African swine fever di mapanganib sa kalusugan ng tao: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2019 04:46 PM

Ligtas kumain ng karneng baboy sa Pilipinas sa kabila ng pagtama ng African swine fever (ASF), na hindi naman mapanganib sa kalusugan ng tao, ayon sa mga eksperto.

Napaghahalo kasi ang ASF at swine flu kaya inaakala ng publiko na delikado sa kalusugan ng tao ang ASF, ayon kay Dr. Zoilo Lapuz, pangulo ng Philippine College of Swine Practitioners, isang samahan ng veterinary science experts.

Dahil sa maling impormasyon ukol sa ASF, humihina raw ang kabuhayan ng mga magbababoy.

"Hindi nakakabenta ang farms. Dahil sa mali-maling mga report, nagkaroon ng panic and scare ang tao, ayaw kumain ng karne, kahit na ang African swine fever ay hindi nakakahawa sa tao," ani Lapuz.

Ipinaliwanag ni Dr. Leonardo Domingo Ellerma, isang animal health expert, na ang swine flu ang sakit ng baboy na maaaring makahawa sa tao.

Maaari rin daw magkasakit ang sino mang makakakain ng baboy na mayroong swine flu.

Pero ang ASF, na tumama kamakailan sa Pilipinas, ay hindi humahawa sa tao at walang epekto, ayon kay Ellerma.

"Ang ASF ay hindi tumatama sa tao, sa baboy lang. Ang swine flu na kinakatakutan ng tao, 'yon ang tumatama, magkaibang virus kasi 'yon," ani Ellerma.

Nauna nang iginiit ng Department of Health na walang epekto sa kalusugan ng tao ang ASF.

BANTA SA SUPLAY NG BABOY

Ang problemang binabantayan sa ASF ay kapag kumalat pa ito dahil maaapektuhan nito ang suplay ng karneng baboy sa bansa, sabi ni May Magno ng quarantine division ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Nasa 7,400 baboy sa bansa na ang napapatay dahil sa ASF, ayon sa ulat ng BAI.

Para maiwasan ang ASF, ipinayo ng mga eksperto na huwag pakainin ng kaning-baboy ang mga pinalalaking baboy dahil doon daw karaniwang kumakapit ang virus.

Hindi rin daw dapat ibiyahe ang mga baboy na may sakit na para maiwasang kumalat ang virus.

Ibinunyag ni Agriculture Secretary William Dar noong Martes na may panibagong kaso ng ASF na naitala sa bansa.

Isinailalim na sa quarantine ang mga baboy sa Barangay Tatalon sa Quezon City matapos magpositibo sa ASF, ani Dar.

Ilang baboy na rin sa Barangay Pasong Tamo at Barangay Roxas sa Quezon City ang nakitaan ng sintomas ng ASF, ayon sa pamahalaang lokal ng lungsod. 

Pero sinusuri pa ng Department of Agriculture kung may ASF nga ang mga baboy sa 2 barangay.-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.