VIRAL: Biker sumasabak sa vlogging para makapamigay ng laruan sa mga street children

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2020 06:24 PM

Si Tatay Joel at ang kanyang pinamimigay na flyer para sa kanyang YouTube channel na Bike Camper JBelo. Mga larawang kuha ni Joseph Allain Eliseo

MAYNILA — Patok ngayon sa social media ang isang biker na sumasabak sa vlogging sa YouTube para may maipamigay na mga laruan sa mga street children. 

Kwento ng photographer na si Joseph Allain Eliseo, 26, nakilala niya ang lalaking biker na si Tatay Joel nitong Setyembre 19 sa kanilang lugar sa Alabang, Muntinlupa.

Aniya, namimigay ito ng flyers tungkol sa kanyang channel at sinabing ang kikitain niya ay para sa mga laruang ipamimigay niya sa mga street children.

“I was just walking home. Tapos yun, he approached me and gave a flyer,” sinabi ni Eliseo sa ABS-CBN News.

“Sobrang cool nito ni Kuya. May bike siya, ta's may parang tahanan siya du’n sa likod or storage for toys na ibibigay niya sa street children,” dagdag pa niya.

Ayon kay Eliseo, sinubukan nitong bigyan ng “monetary support” ang lalaki, ngunit tumanggi ito at sinabing sapat na ang magkaroon pa ng views ang kanyang channel na 'Bike Camper JBelo'.

“I gave him monetary support. Pero ayaw niya. Just view his videos lang daw,” kuwento ng photographer.

“Napaka-selfless. I became more grateful for what I have. I am inspired because he showed the true spirit of giving. ‘Pag gusto talaga, may paraan,” dagdag pa ni Eliseo.

“Keep going, Tatay Joey. It will be tough, but good intentions are rewarded accordingly. God is good," mensahe niya sa biker.

“Let us be reminded, especially in the season of Christmas, that as long as we can, we help each other out, lalo sa panahon ng pandemic.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.