Pulis-Maynila arestado sa pagpapatakas umano sa preso

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2020 04:40 PM

Arestado ng Manila Police District (MPD) ang isang pulis na sinasabing nagpatakas ng isang preso, na inihatid pa niya pauwi ng probinsiya.

Nakuhanan ng closed-circuit television camera noong madaling araw ng Huwebes ang pagsakay ng detainee na si Dexter Barera sa kotse ni Police Corp. Warren Castillo.

Sinamahan umano ni Castillo si Barera na pumunta sa Iba, Zambales para kumuha ng perang pangpiyansa.

Si Barera ay nakulong sa Binondo Police Station dahil sa reklamong abduction with child abuse, na walang piyansa.

Nang bumalik sa presinto, hindi na kasama ni Castillo ang preso. Dahil dito, agad siyang hinuli ng mga kasamahan.

Ayon kay Castillo, nakatakas si Barera nang masiraan siya ng sasakyan.

Ayon kay Police Lt. Col. Carlo Manuel, hepe ng MPD public information office, inalok ni Barera si Castillo ng pera kapalit ng kaniyang paglaya, pero ilang beses tumanggi ang pulis.

Tila na-hypnotize o nabudol-budol raw ng preso ang pulis.

Haharap si Castillo sa kasong kriminal at administratibo.

Patuloy naman ang paghahanap ng mga awtoridad kay Barera.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.