11 seafarers na halos 2 taong stranded sa barko nakauwi na ng Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2020 06:33 PM | Updated as of Sep 29 2020 09:20 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Matapos ang halos dalawang taon sa barko, nakauwi na sa Pilipinas ang 11 Pilipinong seafarer mula China, na na-stranded dahil sa pagsasara ng mga border sa iba't ibang bansa bunsod ng pandemya. 

Kuwento ng mga Pilipinong marino, sa dagat ng China sila nakatengga nang halos dalawang taon.

Ilang beses na rin daw silang sumulat at humingi ng tulong mula sa gobyerno dahil nakararamdam na sila ng matinding kalungkutan.

Nitong nakaraang linggo, dumaong na sila sa isla sa Dongshan County sa China kahit hindi pa pinapayagan ng bansa na pumasok ang mga dayuhan.

Apat na araw din ang hinintay nila para sa swab test bago tuluyang pinayagang makaapak sa lupa.

Nitong Martes ng madaling araw, dumating na sila sa Pilipinas at pansamantalang maghihintay sa isang quarantine facility para sa swab test result na isinagawa sa airport.

Bago umuwi sa kani-kanilang pamilya, kailangan daw muna nilang singilin ang halos 9 na buwang di nakuhang sahod mula sa kanilang agency.

Sa ngayon, wala munang balak sumampa muli ng barko ang 11 marino. 

Ayon sa Maritime Industry Authority, tinatayang nasa 80,000 na Pilipinong seafarers pa ang stranded sa karagatan sa iba't ibang panig ng mundo dahil sa pagsasara ng mga border dulot ng pandemya.

—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.