Planta sa Batangas nasunog

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2020 01:57 PM | Updated as of Sep 27 2020 05:50 PM

Sa gitna ng kadiliman noong gabi ng Sabado, nagliwanag ang isang bahagi ng planta ng JG Summit Petrochemical Corp. sa Barangay Simlong, Batangas City dahil sa sunog.

Ayon sa lokal na Bureau of Fire Protection, pasado alas-10 ng gabi nang itawag sa kanila ang sunog, na umabot hanggang unang alarma.

Pasado alas-11 naman nang tuluyang maapula ang apoy, sabi ng BFP.

Watch more in iWantTFC

Lumikas naman ang ilang residenteng naninirahan malapit sa planta dahil sa mabahong amoy na nanggaling sa sunog. Ang iba'y nagpunta sa barangay hall para pansamantalang sumilong.

"Ang mga tao ay nag-panic dahil sa nakita talaga nila na may maitim talagang usok, na may sunog," anang barangay kagawad na si Amu Agtay.

Sa isang pahayag, sinabi ng JG Summit Petrochemical Corp. na sa containment basin nangyari ang sunog at hindi ito kumalat sa main manufacturing sites.

Agad inilakas ang mga manggagawa ng planta habang iyong mga nasaktan, karamihan ay mga contractor, ay isinugod sa ospital, sabi ng kompanya.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang JG Summit at BFP para matukoy ang sanhi ng sunog.

-- May ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.