Online challenges na naghihikayat ng photo uploads pinadadali trabaho ng mga pedophile: tech expert

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2020 01:59 PM

MAYNILA - Nagiging mas madali para sa mga pedophile ang makakuha ng mga larawan ng mga bata dahil sa mga ginagawang online challenge sa social media.

Ayon kay tech expert Art Samaniego, kapag naglagay ng hashtag o “#” sa post, kinukumpol-kumpol mo dito ang mga parehong content. Isang click lamang sa nasabing hashtag ay lalabas na lahat ng post na ginamit ito.

“Pinapangambahan ngayon na puwedeng gamitin ito ng online predators. Ida-download nila at puwede nilang magamit,” ayon kay Samaniego sa panayam sa Teleradyo, Sabado ng umaga.

Magugunitang pinag-iingat ng grupong Save the Children Philippines ang mga magulang laban sa mga trending online challenges tulad ng #drop_your_beautiful_daughter_challenge kung saan ineengganyo ang mga netizens na mag-upload ng retrato ng kanilang mga anak.

Bagama't natutuwa siya na may mga magulang na mismong nagbibigay ng babala sa kapwa magulang hinggil sa naturang usapin, nakikita niya na sila mismo ay patuloy sa pag-upload ng larawan ng kanilang mga anak sa kanilang personal accounts.

“Parang bigla tayong nagising, na-aware sa challenge na ito na pero ginagawa pa rin natin 'yung pagshe-share,” sabi ni Samaniego.

Sa kanila aniyang pagse-search ay nakita nilang may mga larawan na ng mga batang umiikot na sa dark web o bahagi ng internet na ‘di basta-basta puwedeng ma-access ng karaniwang tao.

“So nandito 'yung mga criminal, drug addict, pedophile nagkikita-kita. May mga pictures doon ng mga bata na shine-share at maaring makuha ang mga pictures na ito dahil ang dali-dali na niyang hanapin ngayon, click mo lang hashtag na 'yun, makikita mo na photos ng mga bata,” paliwanag niya.

Malaking alalahanin umano ito sa mga magulang kapag ang larawan ng kanilang anak ay umabot sa dark web at pagpantasyahan ng mga kriminal.

“Ito 'yung masama. Papayag ka ba bilang magulang na 'yung picture ng anak mo kumakalat sa mga grupo ng mga pedophile na nagtatago sa dark web? Siyempre hindi. Kaya ito dapat ingatan natin. Hindi naman masama mag-share, pero tingnan natin dapat 'yung privacy settings natin na hindi natin dapat gawing public,” sabi niya.

“Pinadali mo ang trabaho nila dahil sa mga hashtag, dahil sa mga challenge na ito,” dagdag niya.