Lalaking nanakit ng live-in partner, patay sa pananaksak

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 10:10 PM

Sumuko ang isang babae sa mga awtoridad Huwebes matapos niyang patayin ang kanyang live-in partner na nananakit sa kanya umano sa bayan ng Katipunan sa Zamboanga del Norte.

Kinilala ang babae na si Floreta Adaro, 45 habang ang nasawi ay si Daniel Lumanda, 36.

Ayon sa pulisya, biktima sa pananakit ang suspek at hindi na nakapagpigil.

“Lagi lang siyang sinasaktan ng kanyang asawa pero hindi siya nagsampa ng reklamo pero parang iniipon niya lang hanggang sa hindi na niya nakayanang magtimpi,” ani Pol. Maj. Nestor Gania, hepe ng Katipunan Police Station.

Ayon kay Adaro, hindi niya sinadya ang nangyari dahil sinubukan niya lang tusukin ang dibdib ng biktima ng bitbit niyang kutsilyo.

Bago pa ang insidente, ay makailang beses ding umanong binugbog ni Lumanda si Adaro sa kanilang bahay sa Barangay Seroan.

“Pitong taon akong nagtiis at binaon ang lahat ng pasa. Anong pakiramdam mo ‘yong gawin ka na punching bag?” ani Adaro.

Nahaharap sa kasong homicide ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.