2 nakabalot na bangkay, natagpuan sa Makati

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 05:27 PM

"Pusher, basag kotse at holdupper ako."

Ito ang mga nakasulat sa placards na nakuha sa mga nakabalot na 2 bangkay ng di pa nakikilalang lalaki na nakita sa bangketa sa Barangay Palanan sa Makati, Martes ng madaling araw.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang 4:25 ng umaga nang makarinig si Darry Galdiano, security guard na naka-duty noon sa CITIMAX, ng putok ng mga baril kaya siya lumabas ng gusali. 

Dito niya nakita ang dalawang bangkay na nakabalot sa garbage bag kaya inutusan nya ang kasamang si Paterno Billones na i-report ito sa pulisya.

Nakita ng mga pulis ang 7 basyo ng baril na pinaniniwalaang galing sa kalibre .45 na baril, at ngayo'y sasailalim na sa ballistic examination.

Ang isa sa di pa kilalang mga namatay ay pinaniniwalaang nasa edad 19-25 taong gulang, naka-gray na t-shirt at light blue shorts. Ang isa naman ay nasa 35-40 years old at naka-suot ng pulang sando at shorts.

Dinala na sa Rizal Funeral Homes ang mga bangkay para i-autopsy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.