Mga balang pagmamay-ari umano ng NPA, narekober ng militar sa Butuan

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2020 12:18 AM

Dahil sa mga impormasyong ibinigay ng mga residente sa Butuan marami na ang nadiskobreng hideout at mga itinagong mga bala ng mga matataas na kalibre ng armas. Larawan mula sa 23rd Infantry Batallion

BUTUAN CITY - Narekober ng mga sundalo ng 23rd Infantry Batallion Philippine Army ang maraming mga bala na itinago sa damuhang bahagi ng Sitio Palo, Barangay Nong-nong sa lungsod na ito, Miyerkoles ng umaga.

Nagsagawa ng combat operation ang mga sundalo matapos silang makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente sa lugar sa mga ginagawa ng mga NPA. Doon na nila narekober ang mga bala mula sa pinaniniwalaang inabandonang hideout na kasya ang nasa 10 tao.

Narekober sa lugar ang 1,200 rounds na bala ng Carbine rifle, 390 rounds ng Garand rifle, at isang magazine ng M16 rifle.

Ayon kay Lt. Col. Julius Cesar C. Paulo, Commander ng 23rd IB, dahil sa mga impormasyong ibinigay ng mga residente marami na ang nadiskobreng hideout at mga itinagong mga bala ng mga matataas na kalibre ng armas.

Paalala rin ni Lt. Col Paulo na nakahanda ang gobyerno para tulungan ang mga miyembro ng NPA na gustong bumalik sa pamahalaan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

-- may ulat ni Lorilly Charmane D. Awitan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.