Bongbong Marcos: Wala kaming ipinamamahaging pera

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 11:47 PM

Nagbabala si dating senador Bongbong Marcos laban sa aniya'y panlolokong idinadawit ang pangalan ng kanilang pamilya.

Ito'y kasunod ng nangyaring pagtitipon ng mga umano'y pinangakuan ng pera mula sa yaman ng mga Marcos nitong Sabado, Setyembre 23, sa Los Baños, Laguna. 

Nilinaw ni Marcos na wala silang kinalaman sa pagtitipon at isang "scam" ang nangyari.

Pinangakuan umano ng One Social Family Credit Cooperative ang libo-libong dumagsa sa Los Baños na makatatanggap sila ng P10,000 kada buwan sa loob ng apat na taon at 11 buwan. 

Dagdag pa rito, bibigyan din sila ng livelihood project na nagkakahalagang kalahating milyong piso.

Kapalit nito ang pagbili ng mga dumalo sa isang booklet na nagkakahalagang P30. 

Nasa harap ng booklet ang mukha ni dating pangulong Ferdinand Marcos at nakalista sa loob ang mga proyekto ng dating pangulo. Nakasulat naman sa likod ang Bullion Buyer Limited.

Ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC), wala sa kanilang talaan ang Bullion Buyer Limited.

Ayon din sa SEC, nakahanap lang ng tiyempo ang modus kasunod ng sinabi ni Pangulong Duterte kamakailan na handa nang magsauli ang pamilya Marcos ng yaman.

Ibinunyag ng SEC na dati nang nadawit sa kasong panloloko ang Bullion Buyer sa Baguio City.

Rehistrado ang One Social Family Credit Cooperative sa ahensiyang Cooperative Development Authority pero lumalabas na hindi pang-kooperatiba ang mga isinasagawa nitong aktibidad.

Nagpalabas ng cease and desist order ang Cooperative Development Authority laban sa grupo.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.