Wallet na naglalaman ng P31,000 at napulot sa Agusan del Norte, naibalik sa may-ari

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2020 09:36 PM | Updated as of Sep 24 2020 10:31 PM

Tinanggap ng babaeng may-ari ang kaniyang wallet na nakuha ng isang traffic enforcer at kaibigan nito mula sa mga residente ng Buenavista, Agusan del Norte. Pinagkaguluhan ang nakitang wallet dahil naglalaman ito ng P31,000. Photo courtesy of Butuan City Police Station 1

BUTUAN CITY - Naibalik nitong Martes ang isang wallet sa babaeng may-ari nito matapos niya itong mawala, at mapulot naman ng mga residente ng bayan ng Buenavista, Agusan del Norte noong Linggo.

Ang wallet ay naglalaman ng aabot sa P31,000.

Walang ID cards sa loob ng wallet, pero natunton ang may-ari nito dahil sa isang bank transaction receipt na nakaipit.

Nakipag-ugnayan sa bangkong nakasaad sa resibo ang kapulisan, kaya nahanap ang may-ari ng wallet, na isang negosyante sa lungsod na ito.

Nakita ni Zachary Manabat, traffic enforcer ng Land Transportation and Traffic Management Office ng lungsod na ito, at ng kaniyang kaibigang si Ramil Virtudaso, na nagtatrabaho sa isang courier company, nang pagkaguluhan ng mga residente ng Barangay Alubijid sa karatig-bayan na Buenavista ang naturang wallet.

Nagpakilalang traffic enforcer si Manabat, at binawi nito mula sa mga residente ang perang kinuha mula sa wallet.

Sinamahan siya ni Virtudaso pagkatapos sa Butuan City Police Station 1 para i-turn-over ang wallet.

Malaki ang pasasalamat ng kapulisan at ng may-ari ng wallet sa katapatan ni Manabat at Virtudaso, lalo pa't hindi raw madali ang buhay ngayong panahon ng pandemya.

- may ulat ni Lorilly Charmane Awitan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.