Panukalang pagbawalan ang home quarantine sa Batangas pinaplantsa na

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2020 12:11 PM

Inihahanda na ng lokal na pamahalaan ng Batangas ang isang ordinansa para pagbawalan ang home quarantine sa probinsiya, ayon sa isang opisyal.

Ayon kay Batangas Provincial Health Officer Rozvilinda Ozaeta, nasa mahigit 2,000 asymptomatic patients nila ang nasa bahay at wala sa quarantine facilities— bagay aniya na ikinabahala ng Inter-agency Task Force on COVID-19 response.

Ayon kay Ozaeta, tinututukan na nila na mailipat sa isolation facillities ang mga pasyenteng naka-home quarantine.

“Sa experience po namin ngayon sa mga cases po namin ay talagang mas marami po talaga 'yung magkakasama sa bahay kaya ito talaga ang nagiging problema na nagkakahawahan sa isang pamilya so dapat magkahiwa-hiwalay sila,” ani Ozaeta sa Teleradyo.

Tatlong hotel din ang bubuksan nila bilang isolation facilities habang patuloy ang pakikipag-usap ng tourism office sa iba pang hotel at resort owners.

Ipaplantsa na rin nila kung paano ililipat sa mga pasilidad ang mga pasyente mula sa kani-kanilang bahay.

Magbibigay din sila ng training sa mga magsisilbing bantay sa quarantine facilities.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.