Empleyado ng isang lungsod sa N. Ecija, huli sa pagbebenta umano ng 'shabu'

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2020 12:40 PM

Arestado ang isang tauhan ng San Jose city government sa Nueva Ecija dahil sa umano'y pagbebenta ng hinihinalang shabu, sabi ngayong Huwebes ng mga awtoridad.

Ayon kay Police Lt. Col. Heryl Bruno, target ng operasyon si Julito Dones, 49, na may job order na position sa city hall bilang driver ng ambulansiya.

Itinuturing na high-value target si Dones, ani Bruno.

Hinuli si Dones matapos umano nitong bentahan ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng P500 sa may Barangay 1st Abar.

Nakuha sa suspek ang 3 pakete ng hinihinalang shabu, anang pulisya.

Gamit pa ng suspek ang ambulansiya ng lokal na pamahalaan nang mangyari ang bentahan ng hinihinalang ilegal na droga.

Mahaharap si Dones sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.