Mga baboy sa isang barangay sa Antipolo positibo sa ASF

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 08:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpositibo sa African swine fever (ASF) ang mga baboy sa isang barangay sa Antipolo City, sabi ngayong Lunes ni Agriculture Secretary William Dar.

Tumanggi si Dar na pangalanan ang barangay pero sinabing isinailalim na ito sa quarantine.

Nauna nang tinukoy ng Department of Agriculture (DA) ang 11 barangay sa Quezon City at mga lalawigan ng Rizal at Bulacan na may mga baboy na nakitaan ng ASF.

Nasa 15 baboy na ang napapatay sa 11 barangay.

Nagdudulot ng mataas na lagnat at pagkamatay sa mga baboy ang ASF pero wala itong banta sa kalusugan ng tao.

Kinumpirma noong Agosto 9 ni Dar ang mga unang kaso ng ASF matapos magpositibo sa isang test sa United Kingdom ang mga blood sample o dugo ng mga namatay na baboy mula Rizal at Bulacan.

Pero ayon kay Dar, na naupo sa puwesto noong Agosto 5, buwan pa lang ng Mayo ay may mga ulat na ng ASF sa bansa.

"Even as early May they said there have been observations but I don't know whether they elevated the preventive measures or quarantine measures," ani Dar.

Mabilis namang sumagot si dating Agriculture secretary Emmanuel "Manny" Piñol, ang sinundan ni Dar.

"Alam niyo ba ang gestation period ng virus ng ASF? 5 days. Kung mayroon iyan noong May, as early as May, sumabog na 'yan," ani Piñol.

Sa website ng World Organization for Animal Health, Hulyo 25 nang unang naitala ang ASF sa Pilipinas.

Kinumpirma naman ito ng DA noong Setyembre 9.

Maging ang kaso ng ASF noong Hulyo ay pareho umanong hindi nakarating sa opisina nina Dar at Piñol.

"I only received the incident report somewhere August," ani Dar.

"'Yong July report na 'yan, it never reached our office, kung mayroon man," sabi ni Piñol.

NAPIGILAN SANA

Samantala, ayon kay Rosendo So, pangulo ng agriculture group na Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), napigilan sana ang pagkalat ng ASF kung mas maagang naipaalam na may kaso na ng sakit sa bansa.

Ayon naman sa international animal welfare organization na World Animal Protection, hindi naging ganap na bukas ang DA sa publiko at sa mga kasali sa hog industry para sana nalabanan o naiwasan ang pagkalat ng ASF.

"Within that one month... period that no information is out in the public domain, that disease was spreading already," ani Mark Dia, global farming director sa World Animal Protection.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.