P160,000 halaga ng ilegal na droga, nakumpiska sa Caraga

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2020 11:42 PM

BUTUAN CITY - Arestado ang apat na suspek sa magkahiwalay na operasyon sa Butuan City at Barobo, Surigao del Sur Lunes.

Naaresto ng mga pulis sa isinagawang anti-illegal drug operation sina Alias "Mae-mae", 28 taong gulang, Rustom John Colon alias "Junking", 27 taong gulang, at Arseleo Diaz alias "Boyet", 50 taong gulang sa Barangay Villa Kananga sa Butuan City pasado alas-5 ng hapon.

Nakumpiska ang mga cellphone, mga drug paraphernalia at 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P134,800.

Samantala sa bayan ng Barobo, arestado ang isang tricycle driver na kinilalang si Hannibal Danao Alyas Taba. Nakumpiska mula sa kaniya ang labing-apat na pakete ng shabu na may timbang 2.20 grams na nagkakahalaga ng mahigit sa P25,000 pesos. Nakumpiska din ang P1,000 na marked money at drug paraphernalia.

Isinailalim sa drug test ang mga nahuli at sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. - ulat ni Charmane Awitan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.