Lalaking 'nanalisi' ng wallet ng senior, arestado sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2020 09:32 AM | Updated as of Sep 22 2020 09:41 AM

Arestado ang isang 33-anyos na lalaki matapos niyang nakawan umano ng wallet ang isang 66-anyos na babae sa isang sari-sari store sa Pasay City, hapon ng Lunes. 

Natukoy ang suspek matapos makunan ng CCTV ng Barangay 111 ang pangyayari. 

Batay sa video, nakatayo ang babaeng biktima sa labas ng tindahan sa kanto ng Protacio at Tramo Street kung saan siya nagpapa-load bandang ala-1:30 ng hapon. 

Maya-maya dumating ang isang lalaking naka-puting t-shirt at umupo sa tricycle na nakaparada sa tapat ng tindahan. 

Makalipas ang ilang segundo, lumapit na ang lalaki sa tabi ng babae at nang tumingin ang biktima sa malayo, agad na inagaw ng lalaki ang wallet nitong nakapatong sa counter at dali-daling tumakbo papasok ng Protacio Street.

Inabot ng ilang sandali bago mapansin ng babae na nawawala na ang kaniyang wallet. 

Ayon kay Barangay Kagawad Reynaldo Kabigting, kinumpirma ng magulang ng suspek na siya nga ang nakunan sa CCTV. 

Naaresto ang lalaki nang makita ng mga tanod na naglalakad . 

Nabawi ang wallet at mga kalakip na ID, pero ayon sa biktima, wala na ang laman nitong mahigit P7,000 cash na ipamamalengke dapat niya. 

Sabi ni Kabigting, hindi na sinabi ng suspek kung saan napunta ang pera. 

Ayon sa pulisya, walang trabaho ang suspek habang sabi ng barangay, maysakit ang ina niya.

Kasong theft ang inihahanda laban dito.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.