Ahensiya umamin sa Senadong wala pang long-term project para sa Mindanao

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2020 07:37 PM

MAYNILA — Umamin ang ahensiya ng pamahalaan na may mandatong paunlarin ang Mindanao na wala silang naihandang long-term project sa mga lugar sa katimugan ng Pilipinas nang humarap sa Senado. 

Sa pagharap ng Mindanao Development Authority (MinDA) sa Senado para humirit ng budget para sa 2021, mismong ang pinuno nitong si dating Agriculture Secretary Manny Piñol ang nagsabing wala silang flagship project o malakihang proyekto para paunlarin ang Mindanao.

Humihingi ang MinDA ng P172.319 milyon mula sa kaban ng bayan para sa iba't ibang proyekto tulad ng pagtatanim ng niyog, iba pang programa para sa mga magsasaka, at "Balik-Probinsiya, Bagong Pag-asa" Program na layong tugunan ang siksikan sa Metro Manila.

Umapela din ang MinDA na ipagkaloob ang P40 milyong pondo na una nang inaprubahan ng Kongreso para sa 2020 subalit inilaan sa pagtugon sa pandemya.

Pero nang hanapan ni Sen. Juan Miguel Zubiri ng mas ambisyosong proyekto, walang naisagot si Piñol. 

Sa halip, nangako ang MinDA na sa loob nang 24 oras ay ipadadala nila sa Senado ng kanilang plano.

Sabi ni Zubiri, sana man lang ay nagplano ang ahensiya ng mga malaking proyekto tulad ng railway system para makonekta ang mga lugar sa Mindanao.

Paliwanag pa ni Zubiri, tubong Bukidnon na siyang may akda ng batas na lumikha sa MinDA, dapat ay sikapin ng ahensiya na maihabol ang Mindanao sa pag-unlad ng Luzon at Visayas. 

Matagal nang hamon sa Mindanao ang kahirapan, na pinalalala pa ng mga problema sa seguridad sa lugar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.