Lalaki, arestado sa panggagahasa umano sa kaniyang 64-anyos na ina sa Taguig City

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2020 12:59 AM

MAYNILA - Sa kulungan ang bagsak ng isang 39 anyos na electrician sa Taguig City matapos niyang maaresto sa panggagahasa umano sa kaniyang 64 anyos na ina noong Linggo.

Sa ulat ng Southern Police District, inaresto ng mga tanod ang lalaking si alyas "Martin" nang magreklamo sa kanila ang senior citizen kasama ng isa pa niyang anak noong hapon. 

Kapwa nakatira sa iisang compound ang suspek at ang rape survivor.

Kuwento ng lola sa pulisya, natutulog siya sa kanyang kuwarto noong madaling-araw nang pumasok ang anak, pwersahan siyang dinala sa kuwarto nito at doon na umano ginahasa. 

Pagkatapos nito, umalis sa bahay ang ina at pinuntahan ang anak na babae sa Pateros para masamahan siyang magsumbong sa barangay. 

Dinala ang suspek sa Taguig City Police Station ng mga umarestong tanod. 

Ayon kay Police Col. Celso Rodriguez, hepe ng Taguig City Police, nagpositibo sa drug test si "Martin".

Nahaharap siya ngayon sa kasong rape sa ilalim ng Republic Act 8353 o ang Anti-Rape Law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.