Halos P700,000 halaga ng shabu, nasabat sa buy-bust sa Muntinlupa

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2020 12:28 AM

MAYNILA - Nakumpiska ng mga pulis ang higit kalahating milyong pisong halaga ng shabu sa buy-bust sa Sucat, Muntinlupa City Linggo ng gabi. 

Arestado ang 34 anyos na lalaking target ng mga tauhan ng drug enforcement unit ng Muntinlupa police. 

Sa ulat ng Southern Police District, nakipagtransaksiyon ang nagpanggap na buyer sa umano'y tulak na si alyas "Mon" sa site ng Philippine National Railways bandang alas-7:30 ng gabi. 

Bibili sana ang operatiba ng P2,000 na halaga ng shabu bago hinuli ang suspek. 

Nang maaresto, nasabat kay "Mon" ang pulang bag na may lamang 3 plastic na lalagyan ng shabu na may timbang na 101 gramo at tinatayang may halagang P686,800. 

Ayon sa pulis, taga-Barangay Alabang ang suspek at walang trabaho. 

Nahaharap si "Mon" sa mga kasong drug selling at possession sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.