7 lalaki, huli sa tupada sa Muntinlupa

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2020 12:20 AM

MAYNILA - Inaresto ng pulisya ang 7 lalaki dahil sa paglahok sa tupada o ilegal na sabong sa Barangay Putatan, Muntinlupa City nitong Linggo ng hapon. 

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nakatanggap ng mga text ang intelligence section ng Muntinlupa Police Station tungkol sa ginagawang pananabong sa Sitio Lambunao Soldiers Hill. 

Ayon sa SPD, nagpulasan ang mga lalaki nang madatnan doon ng mga rumespondeng pulis, pero nahuli rin sila. 

Pawang mga taga-Sitio Lambunao at Excess Lot Soldiers Hill sa Putatan ang mga inaresto na nasa edad 27 hanggang 61. 

Nakumpiska ng mga pulis ang 2 tandang na panabong na suot pa ang mga patalim, pati ang aabot sa P1,050 na cash na pantaya.

Nahaharap ang mga lalaki sa kasong illegal cockfighting sa ilalim ng Presidential Decree 1602 o ang batas laban sa ilegal na sugal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.