'White sand' baywalk sa Manila Bay, muling dinumog

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2020 10:29 AM | Updated as of Sep 20 2020 06:01 PM

Hindi nasunod ang physical distancing sa entrada ng Manila Baywalk. Hanggang 6pm ngayong Linggo bukas ang artificial white sand baywalk para sa publiko. Jekki Pascual, ABS-CBN News

Muling dinumog ngayong Linggo ang "white sand beach" sa Manila Bay.

Mahaba ang pila at dikit-dikit ang mga tao sa entrada ng ipinagmamalaki at kontrobersiyal na baywalk, na nilagyan ng dinurog na dolomite rock bilang artificial white sand.

Dahil sa kapal ng tao, nawala na ang physical distancing at umabot pa ang pila sa footbridge at kalsada.

Watch more in iWantTFC

Marami rin sa mga namasyal ang walang suot na face shield at iyong iba'y nakababa pa ang face mask, sa kabila ng mga paalala sa publiko ukol sa pagsunod sa health protocols.

Dumating din mismo si Manila Police District cheif Brig. Gen. Rolando Miranda para tumulong sa pag-aayos ng situwasyon.

Nasa 70 tao lang ang puwedeng pumasok sa beach pero walang contact tracing form na binibigay.

Tatlo hanggang 5 minuto lang bawat batch ang oras na maaaring mamasyal o magpa-picture.

Huling araw na ngayong Linggo na bukas sa publiko ang beach dahil sarado na ulit ito sa Lunes para ituloy ang paglatag ng dolomite sa 500 metro na bahagi ng baywalk.

Samantala, kinumpirma ng Joint Task Force COVID Shield na tinanggal ng Philippine National Police si Lt. Col. Ariel Caramoan bilang hepe ng Ermita Police Station.

Ang naturang istasyon ang may sakop sa baywalk.

Tinanggal si Caramoan ay dahil hindi umano naipatupad nang maayos ang health protocols sa baywalk.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.