Lalaki timbog sa reklamong 'sextortion' sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2020 02:28 PM

MAYNILA — Naaresto nitong Sabado ang isang lalaki sa lungsod na ito dahil sa umano'y pagbabanta na ipakakalat ang mga maselang larawan ng kakilalang babae kung hindi ito makikipagtalik sa kaniya.

Ayon sa ulat ng Manila Police District Station 3, nagkasa ng entrapment operation laban sa 23 anyos na suspek matapos magsumbong ang 36 anyos na biktima.

Nakilala umano ng biktima ang suspek online, at nanakot ang lalaki na ipakakalat ang mga hubad na larawan at video ng babae kung hindi ito makikipagkita o makikipagtalik sa kaniya.

Sa entrapment operation, nakipagkita ang babae sa suspek — na isang construction worker — sa isang fast food restaurant sa Quiapo.

Nasa kustodiya ng MPD ang suspek, na haharap sa reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Anti-Photo and Video Voyeurism Act.

-- Ulat ni Jekki Pasucal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.