Ekonomiya ng Tagaytay, inaasahang makabawi sa unti-unting pagbubukas

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2020 04:42 PM

Inaasahang unti-unti nang makababangon ang ekonomiya ng Tagaytay City ngayong binuksan na ang lungsod sa mga turista kahit pa babala ng mga awtoridad na kailangan pa rin ng pahintulot ang mga nasa general community quarantine para makapasok sa lungsod.

Humina ang mga negosyo sa Tagaytay matapos magpatupad doon ng mahigpit na lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic.

Nitong weekend, maraming mga motorcycle rider at turista ang nagpunta sa mga sikat na pasyalan sa lungsod, pero mahina pa rin ito kung ikukumpara noong wala pang pandemya.

"Kahit papano ay makakabangon ang Tagaytay dito kahit pakaunti-kaunti ang mga dumarating na mga turista," ani Tagaytay Mayor Agnes Tolentino.

Para naman sa mga maliliit na negosyante, magandang senyales ang unti-unting pagbalik ng mga bisita.

"Medyo naka-recover nang kaunti kasi tuloy-tuloy na ang pasok ng tao," sabi ni JC Lorenzo, may-ari ng bulalohan.

"Bumabalik na ang kita. Kumikita na kami at nakakaahon na," anang tindero ng bulaklak na si Teodoro Rodi.

"Malaking bagay po na naibalik na nabuksan na uli ang Tagaytay... magkakaroon na po uli kami ng magandang pag-asa na makabangon uli," anang tindera ng prutas na si Maricel Ferrer.

Pero nagpaalala si Joint Task Force COVID Shield commander Guillermo Eleazar na kailangan pa ring may travel authority ang mga galing sa mga general community quarantine area kapag pupuntang Tagaytay.

"Kailangan gawin natin 'to, binabalanse ang ekonomiya at saka ng ating kalusugan,"ani Eleazar.

Magsasagawa pa rin ng random checkpoint sa iba't ibang kalsada papasok at palabas ng Tagaytay para tiyaking awtorisadong turista lamang ang makapapasok.

Paiigtingin din ang police visibility, lalo na sa mga kilalang pasyalan, para masigurong nasusundo ang physical distancing, at pagsusuot ng face mask at shield.

-- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.