Libo-libo nagmartsa para sa paggunita ng ika-47 anibersaryo ng martial law

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Libo-libo ang nagmartsa nitong Biyernes sa bisperas ng ika-47 anibersaryo ng martial law sa isailalim ng dating diktador na si Ferdinand Marcos.

Sigaw ng mga nagpoprotesta sa Luneta sa harap ng Quirino Grandstand, never again o hindi na dapat maulit pa ang mga pang-aabuso gaya ng nangyari sa rehimen ni Marcos.

Bukod sa mga taga-Maynila, lumahok din sa protesta ang mga taga-probinsiya. Ang marami sa mga ito ay mismong mga biktima ng martial law.

Anila, mahalaga ang araw na ito para maalala ng mga Pilipino ang mahaba at mapait na kabanata ng martial law ni Marcos.

"Akala namin natapos na, 47 years ago. Pero 'yung best practices ng martial law? Nagpapatuloy. Extra-judicial killings, political abductions, pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso," sabi ni Bonifacio Ilagan, convenor ng Movement Against Tyranny.

Hindi madali para sa katulad nilang biktima na kalimutan ang martial law dahil wala namang nagsisisi, humingi ng paumanhin, at umamin ng kasalanan.

"Papano naman namin kakaligtaan kung ang mga nagkasala sa amin ay di naman umaamin at sa katunayan ay patuloy na tumatanggi," ani Bonifacio.

Pati mga millennials at mga estudyante ng UP Diliman at iba pang pamantasan, lumahok din sa protesta.

Matrapik noong nagmartsa ang grupo mula Mendiola papunta sa Luneta pero mukhang hindi na sila makakalikha ng kaparehong trapik pag-alis dahil karamihan ay may kaniya-kaniya din namang biyahe.

—Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.